Bakit wala tayo sa kalsada?
Sa dami ng nangyayari sa gobyerno nitong mga nakaraang linggo, parang nakakapagod nang manood ng balita at subukang mabuhay ng “normal”…
Bakit wala tayo sa kalsada?
Sa dami ng nangyayari sa gobyerno nitong mga nakaraang linggo, parang nakakapagod nang manood ng balita at subukang mabuhay ng “normal”. Araw-araw may bagong iskandalo, bagong panggagago, bagong dahilan para mawalan ng gana sa bansang ‘to.
And honestly, I always try to hold on to that little glimmer of hope. Kapag nagvevent out ang mga tao sa paligid ko tungkol sa frustrations nila sa gobyerno, ako pa kadalasan ‘yung kaibigang magsasabing may pag-asa pa tayo. Na may mababait pa ring tao. Na may laban pa rin para sa Pilipinas.
Pero may mga panahon talagang ako mismo, nahihirapang maniwala.
Kaya hindi ko maiwasang itanong: Bakit wala tayo sa kalsada? Bakit hindi pa tayo nag-aaklas?
Pero habang iniisip ko ‘yon, mas naiintindihan ko rin kung bakit.
This is the result of a system they deliberately hijacked so it would always work for them, never for us.
Gumawa sila ng sistemang hindi pwedeng huminto kahit isang araw lang. Isang absent mo lang sa trabaho, pwedeng mawalan ng pang kain ang pamilya mo. Isang linggong pahinga, baka hindi ka na makabayad ng renta o tuition. Hindi ka makasingit para makasali sa mga protesta, kasi ilang oras ka munang pipila para lang makauwi gamit ang sirang public transportation system.
They built a country where survival itself is exhausting.
At mas masahol pa, ginawa nilang badge of honor ang sobrang pagod. Kapag overworked ka, “masipag” ka. Kapag ubos na ubos ka na pero tuloy ka pa rin, dapat proud ka, resilient ka. Para bang virtue ang pagiging pagod, samantalang ang totoo, walang dignidad sa sistemang kailangan mong ubusin ang sarili mo para lang mabuhay.
Kung sipag lang din naman ang labanan, bakit ‘yung mga magsasaka nating bilad sa araw buong maghapon, hindi pa rin sigurado kung may pagkain sa hapag nila? Bakit ‘yung mga manggagawang halos di na umuwi sa pamilya nila, isang emergency lang, baon agad sa utang?
Pero pag senador na anim na buwang hindi pumapasok, milyon pa rin ang sweldo, at buwis buhay na pinoprotektahan ng senado.
At doon mo marerealize: hindi ito simpleng incompetence lang. Hindi sila tanga. Alam na alam nila ang ginagawa nila.
Alam nilang habang pagod tayo, mas mahirap magalit. Habang abala tayo sa survival, mas mahirap lumaban. Habang gutom tayo, mas madaling patahimikin.
Ito ‘yung klase ng gobyernong mas lalong naging normal nitong mga nakaraang administrasyon — isang gobyernong ginawang ordinaryo ang impunity, pambabastos, at kawalan ng accountability. Yung tipong kahit harap-harapan na ang kasinungalingan, parang tayo pa ang expected na masanay, na kung mahirap ang buhay, kailangan lang mag doble kayod.
At siguro kaya wala tayo sa kalsada ay dahil marami sa atin, araw-araw nang nakikipaglaban para lang mabuhay.
Pero hindi ibig sabihin no’n wala na tayong pakialam.
Hindi lahat ng laban nagsisimula sa lansangan. May mga lumalaban sa classroom. Sa newsroom. Sa komunidad. Sa social media. Sa trabaho.
Sa simpleng pag tangging manahimik kahit mas madaling tumingin na lang sa kabilang banda.
At baka ‘yon muna ang kaya natin ngayon:
Ang patuloy na magsalita kahit nakakapagod. Ang tumangging maging manhid. Ang patuloy na ipaalala na hindi dapat maging normal ang corruption, violence, at harap-harapang panggagago.
Kasi ang pinaka-hinihintay nila ay mapagod tayo hanggang sa mawalan na tayo ng pake.
Kapag tahimik tayo, mas madali silang manalo.
Kaya dapat patuloy tayong tumindig. Continue to hold the line.
Magtanong. Makialam. Manatiling Mulat.
Lumaban sa kahit anong paraan na kaya natin, gaano man kaliit ‘yan.
Hindi man tayo lahat nasa kalsada ngayon, pero hindi ibig sabihin wala nang laban.
메타데이터
- post_id
- 0328d0ba1d2d
- slug
- bakit-wala-tayo-sa-kalsada-0328d0ba1d2d
- url
- https://medium.com/@lizzycapellan/bakit-wala-tayo-sa-kalsada-0328d0ba1d2d
- canonical_url
- https://medium.com/@lizzycapellan/bakit-wala-tayo-sa-kalsada-0328d0ba1d2d
- author_url
- https://medium.com/@lizzycapellan
- status
- ok
- fetched_at
- 2026-06-27 07:40:21