← Back to list

mahal kita pero bente pesos lang ang pera ko

at hindi iyon sapat

bri · 2026-06-30 17:33 · 0 claps · 1.4 min read
#love #poverty #poetry #filipino-writer #filipino-poetry
Open on Medium ↗
Wiki topics: LIT · Literature & Writing 💑 · Relationships ✍️ · Writing & Creative 📢 · Social Issues

mahal kita pero bente pesos lang ang pera ko

listen to “mahal magmahal” by esremborak

Sa panahong pati ang mabuhay ay tila isa nang pribilehiyo, naiisip ko kung naging pribilehiyo na rin ba ang magmahal. Hindi dahil may presyo ang pag-ibig, kundi dahil may presyo ang lahat ng kailangan para mabigyan ito ng espasyo.

Ang pamasahe, pagkain, renta, matrikula — pati simpleng paglabas ng bahay, may katumbas na agad na bawas sa laman ng pitaka. Kaya siguro totoo na mahal ang magmahal. Hindi dahil may halaga ang nararamdaman, kundi dahil mahal na rin ang bawat araw na sinusubukan mo itong isabuhay.

Hindi naman nagmahal ang nararamdaman ko para sa’yo.

Ang nagmahal ay ang bigas. Ang sardinas. Ang itlog. Ang pamasahe. Ang bawat bagay na kailangan para mabuhay bago pa man magkaroon ng pagkakataong magmahal.

At doon nagiging komplikado ang lahat.

Dahil paano mo ipaglalaban ang pag-ibig kung pareho kayong nag-iisip kung ano ang kakainin kinabukasan?

Paano mo sasabihing, “tara, magkita tayo,” kung ang pamasahe pa lang ay katumbas na ng isang buong pagkain?

Paano mo uunahin ang mga bulaklak kung ang laman ng grocery basket ay kulang pa rin?

Unti-unti kong naunawaan na may mga bagay na hindi kayang gawin ng pagmamahal. Hindi ka nito mapapakain. Hindi nito mababayaran ang renta. Hindi nito mapupuno ang kalderong walang laman.

Hindi kasalanan ng pag-ibig na hindi tayo nito kayang pakainin.

Hindi iyon ang silbi nito. Gaano man kalalim ang nararamdaman ninyo para sa isa’t isa, pareho pa rin kayong magugutom kapag wala nang mailalapag sa mesa.

Hindi naman humihingi ng marami ang pag-ibig.

Ang mundo lang ang naging mas mahal.

Kaya minsan, naiisip ko rin: ano nga bang nagagawa ng pagmamahal kapag pati ang pinakasimpleng paraan ng pagpapakita nito ay kailangan nang pag-ipunan?

Hindi dahil kulang ang pagmamahal.

Kundi dahil may mga panahong kahit sapat ang pagmamahal, hindi pa rin nito kayang punuin ang hapag.

Mahal kita.

Pero bente pesos lang ang pera ko.


메타데이터
post_id
2bad7c9e2f97
slug
mahal-kita-pero-bente-pesos-lang-ang-pera-ko-2bad7c9e2f97
url
https://medium.com/@uwongyu/mahal-kita-pero-bente-pesos-lang-ang-pera-ko-2bad7c9e2f97
canonical_url
https://medium.com/@uwongyu/mahal-kita-pero-bente-pesos-lang-ang-pera-ko-2bad7c9e2f97
author_url
https://medium.com/@uwongyu
status
ok
fetched_at
2026-07-08 02:49:32