← Back to list

Kontra-baha project sa Calumpit, nakabinbin; Frances lubog pa rin

Isaiah Lorraine Pangan · 2025-11-20 16:00 · 0 claps · 2.1 min read
#flood-control #bulacan #dpwh #design
Open on Medium ↗
Wiki topics: DSN · Design · General

Kontra-baha project sa Calumpit, nakabinbin; Frances lubog pa rin

CALUMPIT, BULACAN – Kung may inilaan nang ₱77.1 milyon para sa flood-mitigation project sa Barangay Frances, bakit hanggang ngayon ay lubog pa rin sa baha ang komunidad?

Sinimulan ang proyekto noong 2022 sa ilalim ng Wawao Builders, na may planong magtayo ng riprap, pumping station, at flood control structures upang protektahan ang barangay mula sa pag-apaw ng ilog. Nakalaan itong matapos noong 2024, ngunit hanggang Setyembre 2025, malalaking bahagi ng dike ang nananatiling butas at hindi tapos.

Ayon kay Jessie Cayago, Kapitan ng Barangay Frances, magta-tatlong taon matapos simulan ang proyekto, ngunit walang malinaw na pagbabago sa sitwasyon ng baha, ang dike ay palpak, at para sa kanya, “nilapastangan” ang pondo ng bayan.

“Hindi naman kasi dumadaan sa barangay ang mga flood control project na ‘yan dati, pero ngayon ang iniuutos sa amin ng DILG (Department of Interior and Local Goverment), dapat alamin namin pati kung paano gagawin o kung anong raw materials ang gagamitin, dapat chine-check,” saad ng Kapitan ng barangay Frances, Jessie Cayago.

Kapag tumataas sa 3.9 hanggang 4.6 metro ang baha, hindi na madaanan ang mga kalsada at napuputol ang kabuhayan sa pamamasada at akses ng mga residente sa kalapit na lugar.

Ang mga estudyante sa Frances Elementary School at Frances National High School ay napipilitang sumakay ng bangka na nagkakahalaga ng hanggang ₱150 bawat tawid, kaya may ilan na hindi na lamang pumapasok dahil sa hirap at gastos.

Noong Agosto 15, 2025, bumisita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Calumpit kasama sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon at Bulacan Governor Daniel Fernando upang inspeksyunan ang flood-mitigation structures. Ngunit ayon sa residente tulad ni Manuel Devera, hindi nakita ng Pangulo ang aktwal na sitwasyon dahil walang baha sa oras ng pagbisita.

“Noong pumunta si BBM, walang baha. Pero noong kahapunan noong araw na ‘yon saka nagkaroon ng high tide,” ani Devera.

“San ka nakakita, iniwan na flood control bukas? Kaya tuloy mga bata, hindi nakakapag-aral. Yung mga apo ko matagal nang hindi pumapasok. Minsan papasukin pa kahit baha, kahit yung mga teacher hindi pinapayagan kapag hindi naka sapatos,” dagdag niya.

Ang ilang mga kabahayan sa Barangay Frances ay nasira dahil sa paulit-ulit na pagbaha, kabilang ang tahanan ni Rodrigo Ruiz Bernal, 72-anyos, na tatlong buwan nang naninirahan sa stage ng simbahan.

“Ayun pong bahay namin sa ibaba ako nakatira..ayun lahat ng bubong giba, yung kwarto namin bumagsak yung yero. Kaya dito ko lumipat. Tatlong buwan na ko rito” ani Bernal.

Pahayag ni Cayago, dapat makipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa mga pambansang ahensya upang matiyak ang kalidad ng mga flood-control project. Batay sa kanilang karanasan, tila hindi dumaan sa maayos na pagsusuri ang konstruksyon sa Frances.

Sa kabila ng P77.1 milyong pondo at tatlong taon ng konstruksyon, nananatiling hindi tapos ang flood-mitigation project sa Barangay Frances, dahilan para magpatuloy ang pagbaha na patuloy na nakakaapekto sa kabuhayan, edukasyon, at tirahan ng mga residente.


메타데이터
post_id
2fd34262daf8
slug
kontra-baha-project-sa-calumpit-nakabinbin-frances-lubog-pa-rin-2fd34262daf8
url
https://medium.com/@panganisaiahlorraine/kontra-baha-project-sa-calumpit-nakabinbin-frances-lubog-pa-rin-2fd34262daf8
canonical_url
https://medium.com/@panganisaiahlorraine/kontra-baha-project-sa-calumpit-nakabinbin-frances-lubog-pa-rin-2fd34262daf8
author_url
https://medium.com/@panganisaiahlorraine
status
ok
fetched_at
2026-06-15 20:49:13