MANONG, PARA PO!
Alas-otso pa lang ng umaga, amoy araw na. Iyan ang mga kinakaharap nating mga Pilipino sa tuwing sasakay ng pampublikong sasakyan. Pero…

Photo by: The Guardian
MANONG, PARA PO!
Alas-otso pa lang ng umaga, amoy araw na. Iyan ang mga kinakaharap nating mga Pilipino sa tuwing sasakay ng pampublikong sasakyan. Pero lahat tayo sakay ng driver ng jeep na sa araw-araw na pamamasada, iba’t ibang buhay ang kaniyang dinadala.
Hindi lang pasahero ang laman ng jeep. Laman din nito ang iba’t ibang kuwento.
Doon sa sulok, may estudyanteng hawak-hawak ang reviewer, nakangiting nanonood sa bintana ng jeep — iniisip siguro kung makakadating ba siya sa klase nang tama sa oras.
Sa harap ko, isang manggagawa na tila antok pa at pinipilit niyang ibuka ang mga talukap ng kaniyang mga mata. Sumasakay sa tulog habang ang jeep ay sumasabay sa traffic ng EDSA.
Sa gitna, may isang lola na may bitbit na bayong na puno ng mga karne at gulay, kakagaling lang sa palengke, maingat na nakaupo at tila ba may iniingatan.
At ang driver ng jeep, kalamado — isang kamay sa manibela, at ang mga mata’y abala sa daan, pero ang tenga’y alerto at bukas sa lahat.
Ang baryang nagbubuklod, may isang ritwal na walang nagturo pero alam ng lahat. Kapag malayo ka sa driver, ipinapasa mo ang bayad mo. Kahit hindi mo kilala. Walang kontrata. Walang angal. Basta tiwala.
Parang ganyan din ang Pilipino, kaya natin magtiwala, basta estranghero ng daan.
Wala kang makikitang jeep na pare-pareho. Iba-iba ang pintura: may santo, may artista, may pangalan ng asawa o anak sa harap. Bawat jeep ay self-portrait ng driver nito. Isang obra maestra na tumatakbo sa kalsada.
Doon sa dashboard, nakabitin ang rosaryo, palatandaan at kasama lagi sa anumang biyahe ng kahit sino. Sa likod nakasulat “God Bless our trip” — hindi lang panalangin, kundi panagko.
Ngayon, unti-unti nang nawawala ang tradisyonal na jeep. Pinalitan ng mas bago, mas malinis, at mas maayos. At oo — mas maayos nga, pero may nawawala. Nawala ang pintura. Nawala ang ingay ng makina na parating tumatawag sa iyo sa tuwing umaga. Nawawala ang ritwal na barya lang po sa umaga, ng “para po,” ng pagsiksik ng isa pa kahit wala nang lugar.
Hindi natin pinaghandaan ang paalam na ito.
Minsan, kapag sinasakay ko pa rin ang lumang jeep sa probinsya, humihinto ako sandali bago umupo. Tinitingnan ko ang mga mukha ng mga kasabay ko. Nagre-review. Nagma-makeup. Puyat. Kalmado.
At naiisip ko: ito ang Pilipinas. Hindi sa iisang mukha, kundi sa lahat ng mukhang magkasamang sakay.
Salamat, manong. Para po.
메타데이터
- post_id
- 5e9921c970b3
- slug
- manong-para-po-5e9921c970b3
- url
- https://medium.com/@canonigoearlsebastian/manong-para-po-5e9921c970b3
- canonical_url
- https://medium.com/@canonigoearlsebastian/manong-para-po-5e9921c970b3
- author_url
- https://medium.com/@canonigoearlsebastian
- status
- ok
- fetched_at
- 2026-06-24 11:06:28