at kung ako’y madaanan man ng bulalakaw, mayroon akong nakahandang hiling

at kung ako’y madaanan man ng bulalakaw, mayroon akong nakahandang hiling
at kung ako'y madaanan man ng bulalakaw, mayroon akong nakahandang hiling-ang bumalik sa mga panahong ang mundo pa'y magaan at nagniningning.
sa bawat pag-ikot ng kulay abong buwan sa mundo, tila ba’y ikinukuskos ang kulay nito sa mundo kong makulay. umaabot na sa puntong ako’y napapatanong — paningin ba ang nanlalabo’t nagiging abo o daigdig mismo ang unti-unting nagbabago?
tanghaling tapat-araw ay tutok at nakakapaso — ngunit ako’y itatakbo ng aking mga paa sa palaruang aking nakasanayan. umikot lang ang buwan, iba na ang tumatakbo — hindi na ang mumunting mga paa-na minsa’y walang panyapak.
ito’y mga mabibigat na responsibilidad, na sa sobrang bigat — hindi na kayang mabuhat. mga salitang nakakapaso na hirap nang makalabas sa puso’t tengang sensitibo. at mga ekspektasyong tila mga bituin — mataas, at kay hirap abutin.
na kahit anong takas nito sa aking isipan, bilisan man ang yapak o takbo, parang wala silang sinasanto, ayaw kumawala't walang remedyo.
kaya't sana'y daanan ako ng bulalakaw-at sa isang saglit na pagliyab nito sa langit, mailabas ko ang hiling na matagal ko nang kinikimkim.
hindi upang ibalik ang kahapon, kundi upang maaninag kung saan nagsimulang kumupas ang mga kulay.
메타데이터
- post_id
- 6455c1cda2c1
- slug
- at-kung-akoy-madaanan-man-ng-bulalakaw-mayroon-akong-nakahandang-hiling-6455c1cda2c1
- url
- https://medium.com/@lorrainecabison/at-kung-akoy-madaanan-man-ng-bulalakaw-mayroon-akong-nakahandang-hiling-6455c1cda2c1
- canonical_url
- https://medium.com/@lorrainecabison/at-kung-akoy-madaanan-man-ng-bulalakaw-mayroon-akong-nakahandang-hiling-6455c1cda2c1
- author_url
- https://medium.com/@lorrainecabison
- status
- ok
- fetched_at
- 2026-06-21 19:25:17