Atras-Abante
Abante babae, hindi aatras aabante.
Atras-Abante

Mas may ‘bayag’ pa ang kababaihan kaysa sa ‘bahag’ lang na buntot na pamahalaan.
Kung mayroon mang pinatutunayan ang machismong panayam ni Quezon City 4th District Representative Bong Suntay, iyon ay malayo na pero malayo-layo pa ang ating gagaygayin bago tuluyang maisadiwa ang buwan ng Marso, bilang buwan ng kababaihan. Malayo pang makamit ang itinuturan na “Abante Babae!” kung paurong ang utak ng mga opisyales ng gobyerno — mismong mga inaasahan natin na magtataguyod dito.
Pagpasok pa lamang ng Marso, naging sentro kaagad ng usapin ang ginamit na analohiya ni Suntay sa isang pagdinig sa Senado patungkol sa impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte-Carpio. Aniya, “na-imagine” umano niya ang maaaring mangyari nang makita niya si Anne Curtis sa Shangri-La matapos may “mag-init” sa loob niya.
Nakadidiri ang inuyam ng mambabatas, na ayon kay QC Mayor Joy Belmonte ay naging miyembro pa noon ng Gender and Development Council. Si Suntay din ang noo’y Majority Floor Leader nang ipinasa ang Bawal Bastos Ordinance sa QC, bagay na nauna pa bago maisabatas ang Bawal Bastos Law o Safe Spaces Act sa bansa. Ipinapakita lamang nito na napakaraming ‘honorable’ pero ‘hipokrito’ sa kongreso katulad ni Suntay, na sa labas ay peminista pero sa loob-loob ay “nag-iimagine” at “nag-iinit” na misohinista.
Kung tutuusin, hindi naman na bago makarinig ng ganitong machismong panayam mula mismo sa opisyal ng gobyerno. Normalisadong kultura nga ito noong panahon ni dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte kung saan siya mismo ang umuusal sa live tv broadcast ng mga rape jokes at misogynistic remarks. Isang beses noong 2016, sa insidente ng 1989 gang rape ng Australian missionary sa Davao, sinabi niya na “mayor sana ang nauna”, o sa balbal na salita, siya umano sana ang pinauna gumahasa sa mga biktima.
Sa ganang ito, makikita na walang pinag-iba si Suntay sa iniidolo niyang si Duterte. Walang pinag-iba maging ang napakaraming manyakol na kalalakihang ginagawang parausan ang pamamalagi ng patriyarkal na pananaw sa lipunan.
Hindi na panahon para mag-urong sulong. Panagutin si Suntay sa ilalim ng Bawal Bastos Law at code of conduct and ethical standards ng mga opisyales ng gobyerno. Idamay na rin dito si Duterte at iba pang lingkod-bayan na minsang ginawang biro at hayop ang mga kababaihan. Paigtingin din ang Bawal Bastos Law o ang Safe Spaces Act. Opisyal o hindi, dapat silang managot sa pambabastos.
Itigil na ang normalisadong machismo sa patriyarkal nating lipunan. Paalala lamang ng isyu na ito na hindi lang tuwing buwan ng Marso dapat ginugunita ang halaga ng kababaihan, araw-araw dapat, lalo na para ipaalala sa ating mga opisyal na sila ang ehemplo sa pagtataguyod ng dito. Tuluyan lang mapapanday at uusad ang diwa nito kung pangungunahan at hindi pauurungan ng ating gobyerno.
Abante babae, hindi aatras aabante.
Kalahok, Editorial Writing
Dyaryologue Journalism Summit 2026 — UJP-UP Diliman
March 15, 2026
메타데이터
- post_id
- 7bdf7a80a49e
- slug
- atras-abante-7bdf7a80a49e
- url
- https://medium.com/@camilleaquino088/atras-abante-7bdf7a80a49e
- canonical_url
- https://medium.com/@camilleaquino088/atras-abante-7bdf7a80a49e
- author_url
- https://medium.com/@camilleaquino088
- status
- ok
- fetched_at
- 2026-06-26 03:39:16