← Back to list

Tanikala

ni Nicole Angela Roque

SOLIDARIDAD · 2025-08-25 12:26 · 0 claps · 1.9 min read
#education #students #teaching #reading-comprehension #shaming
Open on Medium ↗
Wiki topics: EDU · Education & Learning 📚 · Books & Reading

Tanikala

ni Nicole Angela Roque

Dibuho ni Mayline Mallorca | Pag-aanyo ni Nicole Quinto

Dibuho ni Mayline Mallorca | Pag-aanyo ni Nicole Quinto

“𝗠𝗮𝗿𝘂𝗻𝗼𝗻𝗴 𝗸𝗮 𝗯𝗮𝗻𝗴 𝘂𝗺𝗶𝗻𝘁𝗶𝗻𝗱𝗶?” “𝗔𝗻𝗴 𝗵𝗶𝗻𝗮 𝗻𝗮𝗺𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗸𝗼𝗸𝗼𝘁𝗲 𝗺𝗼!” Ang mga iyan ay iilan lamang sa mga salitang aking naririnig at natatanggap sa loob ng paaralan—isang lugar kung saan ay dapat na pinaghahanguan ng kaalaman, ngunit parang iba ang nararamdaman ko sa tuwing hahakbang ang mga paa pagpasok ng tarangkahan.

Tila may isang tanikalang humihila sa akin upang hindi na yumapak dito—isang taling tumutulay sa masasakit na salitang tumatak sa akin mula sa sinasabi nilang aking “pangalawang magulang” sa eskuwelahan—ang aking guro.

Sa tahanan, ang aking ina at ama ay parehas na “no read, no write.” Kaya naman simula noong ako ay bata pa, hindi na nila ako naturuan ng pagbabasa. Ni isang libro ay wala kaming pagmamay-ari, dahil bukod sa ito ay napakamahal, wala rin naman sa amin ang magkakainteres bumuklat nito.

Kaya ako, bilang isang batang kinagisnan na ang ganitong komunidad, ay nagsusumikap na matuto para sa aking sarili, at para na rin sa kanila. Kahit ako ay nahihirapan, pinipilit ko pa ring matutunan ang lahat ng aralin sa eskuwelahan, kahit pa hirap na magbasa at umintindi sa mga salitang dinadaanan ng mga mata ko. Wala rin namang tutulong sa akin kung hindi ang aking sarili. Sino ba naman kasi ang magtitiyaga sa isang taong tulad ko na hindi raw “marunong umintindi?”

Sa pagpasok sa silid-aralan, kami ay pinabasa sa asignaturang Ingles ng isang kuwentong may malalalim na salita. Tinanong ako ng aking guro kung ano ang aking natutunan sa akda. Wala akong maisagot sa kaniyang katanungan, sapagkat sadyang hindi ko talaga ito naintindihan. Nanliit ako sa mga masasakit na salitang ibinato sa akin—wala nang nagawa sa pangungutya dahil sa pagiging “non-comprehensive reader” ko. Sa halip na kanilang tulungan, ginawa pa rin akong katatawanan. Lalo lamang sumisiil ang tanikala sa aking mga binti na humahatak sa akin upang hindi na muling yumapak sa paaralan.

Sa aking pag-uwi, hindi ko na napigilan ang pagbagsak ng mga matatabang luha mula sa aking mata, habang tinatanong ang aking sarili.

“Sino nga ba ang tunay na nagkulang? Ako nga ba o sila? Ang isang tulad ko ba ay karapat-dapat ipahiya sa harapan ng aking mga kaklase? Kanino ako hihingi ng tulong kung maging ang mga taong malalapitan ko sana ay nagawa pa akong pagtawanan?”

Kay raming tanong ang umikot sa aking isipan na hindi ko rin naman alam kung paano sasagutin. Sana nga, isang araw, magbago na ang lahat. Sana hindi na maging isang katatawanan ang suliraning humahatak hindi lang sa akin, kundi maging sa ibang mag-aaral, pababa. Balang araw, makalalaya rin kami sa tanikalang sumisikil sa kagustuhan naming matuto.


메타데이터
post_id
86f535be09f9
slug
tanikala-86f535be09f9
url
https://medium.com/@solidaridadniselo/tanikala-86f535be09f9
canonical_url
https://medium.com/@solidaridadniselo/tanikala-86f535be09f9
author_url
https://medium.com/@solidaridadniselo
status
ok
fetched_at
2026-08-15 20:39:18