← Back to list

naiinggit ako sa mga taong kaya kang lapitan

at kung gaano ito kasimple para sa kanila

hya 。꩜˚⋆ · 2026-06-10 18:23 · 0 claps · 4.3 min read
#long-distance #love #yearning #wlw
Open on Medium ↗
Wiki topics: 💑 · Relationships

naiinggit ako sa mga taong kaya kang lapitan

hindi ako naiinggit sa mga taong kasama mo.

https://pin.it/6B5bJOlX2

https://pin.it/6B5bJOlX2

hindi ako naiinggit sa mga kaibigan mo, sa mga kaklase mo, o sa mga taong madalas mong nakakasalamuha. hindi rin ito tungkol sa takot na mapalitan o sa pagnanais na ako lang ang magkaroon ng puwang sa buhay mo. alam kong ang pagmamahal ay hindi nasusukat sa lapit ng distansya, at ang pagkilala sa isang tao ay hindi nasusukat sa dami ng oras na magkasama kayo.

sa katunayan, alam kong may mga bahagi mo na ako lang ang nakasaksi. may mga kuwento, takot, pangarap, at lumang bersyon ng sarili mo na dala ko pa rin hanggang ngayon. may mga bahagi ng pagkatao mong hindi nakikita ng iba dahil hindi sila naroon noong binubuo mo pa ang mga iyon. may bersyon ka noong senior high school, may bersyon ka noong mga panahong hindi pa ganito kabigat ang buhay, may bersyon ka noong pareho pa tayong nangangapa sa kung sino tayo. at dala ko pa rin silang lahat.

kaya hindi, hindi ako naiinggit dahil sa tingin kong mas kilala ka nila.

naiinggit ako dahil mas madalas ka nilang masaksihan.

may mga taong nakakasalubong ka nang hindi pinagpaplanuhan. may mga taong isang dyipni lang at maaari ka na nilang puntahan. may mga taong hindi kailangang maghintay ng libreng oras, maayos na signal, o tamang pagkakataon para makita ka. para sa kanila, bahagi ka lamang ng araw. isang presensyang maaari nilang maabot kung gugustuhin nila.

at minsan, naiisip ko kung gaano kasimple iyon para sa kanila.

kapag pagod ka, maaari ka nilang samahan at damayan.

kapag masaya ka, maaari silang makitawa agad sa mga biro mo.

kapag may mabigat kang dinadala, maaari silang maupo sa tabi mo habang tahimik kang humihinga.

samantalang ako, kadalasan ay nasa kabilang dulo ng screen.

nakikinig sa mga kuwento mo. tumatawa sa mga bagay na nagpatawa sa'yo. nag-aalala sa mga problemang bumigat sa araw mo. nakikibahagi sa mga tagumpay at pagod na ipinagkakatiwala mong ikwento sa akin.

at mahal ko ang mga kuwentong iyon.

mahal ko ang bawat detalyeng pinipili mong ibahagi, gaano man ito kaliit o kalaki. pero minsan may parte sa aking hindi mapigilang mainggit. hindi dahil hindi kita nakikita. hindi dahil pakiramdam ko may mga bahagi kang hindi ko kilala. kundi dahil may mga sandaling nangyayari sa buhay mo na nais ko sanang masaksihan habang nangyayari, at hindi lamang marinig pagkatapos. hindi dahil kulang ang mga kuwento mo.

dahil minsan, gusto ko ring makita ang paraan ng pagliwanag ng mukha mo bago mo pa ito maisalarawan sa salita. gusto kong masaksihan ang mga simple at maliliit na sandaling bumubuo sa araw mo habang naroon pa sila, bago pa sila maging kuwento.

kapag natapos mo ang isa na namang napakahirap na exam sa thermodynamics at engineering economy, may mga taong maaaring makita agad ang pagluwag ng mga balikat mo. maririnig nila ang unang buntong-hiningang nagsasabing tapos na rin sa wakas. makikita nila ang pagod sa mga mata mo habang sariwa pa ito. masasaksihan nila ang unang tawa pagkatapos ng stress, ang unang reklamo, ang unang biro, ang unang sandali ng ginhawa bago pa ito maging alaala.

at minsan, naiisip ko kung gaano ko kagustong nandon din sana ako.

gusto kitang salubungin pagkatapos ng isang mahabang araw. gusto kong marinig ang una mong sasabihin habang sariwa pa ito sa isip mo. gusto kong makita ang pagod bago mo ito maitago sa likod ng isang "okay lang naman." gusto kong samahan kang magdiwang agad-agad matapos ang isang bagay na ilang linggo o buwan mong pinaghirapan.

kahit pagkain lang sa tabi ng daan. kahit simpleng lakad patungo sa estasyon ng tren. kahit ilang minutong pahinga bago tayo magkani-kaniyang uwi.

hindi dahil espesyal na okasyon iyon.

kundi dahil ikaw iyon.

at kapag mahal mo ang isang tao, kahit ang mga ordinaryong sandali ay nagiging mahalaga.

may mga taong makakakita sa iyo pagkatapos ng klase at iisipin nilang normal lamang iyon. normal na marinig kang tumawa. normal na makita kang mapagod. normal na makasabay kang kumain. normal na marinig ang mga reklamo mo tungkol sa exam o sa haba ng discussion ni miss grande.

pero kung ako ang naroon, baka hindi ko matawag na normal.

baka maalala ko ang paraan ng pag-usbong ng ngiti sa iyong mga labi kapag may magandang nangyari. baka nagsiliparan ang mga paru paro mula sa aking tiyan habang nakikinig sa mga kuwento mong para sa iba ay karaniwang bahagi lamang ng araw. baka isipin kong sulit na ang buong araw ko dahil nakita kitang huminga nang mas magaan.

siguro iyon ang dahilan kung bakit minsan ay naiinggit ako sa mga taong kaya kang lapitan.

hindi sa kung sino sila sa buhay mo.

kundi sa kung gaano sila kalapit sa mga sandaling ikaw ay simpleng ikaw lamang.

at kahit mahal na mahal ko ang bawat kuwentong ipinagkakatiwala mo sa akin, may mga araw pa ring hinihiling kong hindi lamang ako tagapakinig ng mga sandaling iyon kundi saksi rin.

dahil sa totoo lang, hindi ko naman hinihiling na makita ko ang bawat araw mo. hindi ko hinihiling na makasama sa bawat alaala. gusto ko lamang sana ang pagkakataong mapalapit sa iyo sa mga sandaling hindi mo na naiisip na ikuwento. ang mga sandaling para sa iba ay walang kahulugan, ngunit para sa akin ay magiging dahilan para mapangiti buong gabi.

at marahil iyon ang isa sa mga tahimik na lungkot ng pagmamahal mula sa malayo.

ang malaman na mahal na mahal mo ang isang tao, kilalang-kilala mo ang puso niya, dala-dala mo ang mga bersyon niyang nabuo sa paglipas ng mga taon, ngunit may mga araw pa ring ang tanging magagawa mo ay hintayin siyang ikuwento kung paano lumipas ang mga oras na gusto mong ikaw mismo ang unang nakakita.

pero sa kabila ng lahat, pipiliin ko pa rin ito.

dahil mas masakit sigurong hindi ka mahalin kaysa mamiss ka.

at kung may bagay mang mas matimbang kaysa sa inggit na nararamdaman ko, iyon ay ang pasasalamat na sa dulo ng araw, sa dami ng mga taong kayang lapitan ka, may puwang pa rin akong inuuwian sa buhay mo.

kahit mula sa malayo.

kahit sa pamamagitan lamang ng mga tawag at mensahe pagkatapos ng mahaba't nakakapagod na araw.

at marahil iyon ang pinakamagandang bahagi ng lahat.

na sa kabila ng distansyang hindi ko matawid sa isang hakbang, sa kabila ng mga araw na hindi ko nasasaksihan habang nangyayari, ako pa rin ang isa sa mga taong pinipili mong ikuwento ang mga ito.

at sa ngayon, sapat na muna iyon.


메타데이터
post_id
8f64887d9155
slug
naiinggit-ako-sa-mga-taong-kaya-kang-lapitan-8f64887d9155
url
https://medium.com/@2l0verz/naiinggit-ako-sa-mga-taong-kaya-kang-lapitan-8f64887d9155
canonical_url
https://medium.com/@2l0verz/naiinggit-ako-sa-mga-taong-kaya-kang-lapitan-8f64887d9155
author_url
https://medium.com/@2l0verz
status
ok
fetched_at
2026-06-14 11:28:49