← Back to list

Sa Paglaya ng Isang Bakla

Hindi pa ba sapat ang aking nadarama Upang matanggap sa aking pamilya Sa sariling baya’y nahihiya Ni ‘di maipakita ang aking mukha

'di masupil in Malaya: Koleksyon ng mga Akda para sa Bayan · 2019-11-30 03:05 · 20 claps · 1.1 min read
#tula #lgbtq #liberation #socialism #filipino
Open on Medium ↗
Wiki topics: 🔒 · Cybersecurity ✊ · Equality & Identity

Sa Paglaya ng Isang Bakla

Hindi pa ba sapat ang aking nadarama Upang matanggap sa aking pamilya Sa sariling baya’y nahihiya Ni ‘di maipakita ang aking mukha

Pasensya na, ‘di ko kagaya si ate at kuya Ngayon sila’y mayroon ng anak at asawa Hindi ko pinangarap ang ganoong tadhana Ang nais ko’y sa yakap lamang niya

Hindi ako pasok sa “normal” na sinasabi Ang bansag nila’y bakla, silahis, o binabae Payak naman sa paningin ng iba Sa pagkukumahog na maging normal sa kanila

Subalit taliwas ang kabog ng aking puso Hinahatak ako ng katawang katulad ng akin Wala akong interes sa puwet at suso ‘Di tulad ng inaasahan nila sa akin

Hindi ako pasok sa batayan nila Ng pagiging makabayan at pagmamahal sa bansa Na mas nanaisin pa ang pananahimik sa mga aberya At kahirapang dinaranas ng laksa-laksang masa

Subalit taliwas ang nais ko para sa aking bayan Hinahatak ako ng mga turo ng sosyalismo Wala akong interes sa pamumuhay ng maginhawa at yaman ‘Di karangyaan at kapritso ang aking gusto

Pasensya na, ‘di ko kagaya si papa Na mahilig sa sabong, alak, at sugal Mas mahuhumaling pa ako sa paglaya, Pagpapakita ng kulay, at pagmamahal

Sa kabila ng pangamba’y ‘di na ako makukulong Babalikwas ako sa nakasanayan ng iilan At tuluyang magpapalamon sa kalayaang aking hinahanap Yayakapin at hahagkan ang aking mahal nang walang takot At sa kaniyang mga braso’y isisigaw ang dalangin “Kasabay ng paglaya ko’y paglaya rin nawa ng bayan!” Mula sa mga baluktot na paniniwala Mula sa pang-aalipin at pang-aalipusta Mula sa pandarambong, kahirapan, at kurapsyon Mula sa gapos ng ating lipunan sa mga dayuhan

Kagaya ng aking paglaya ngayon Hindi ito basta-basta lamang Nilabanan ko ang nakagisnan Kung kaya gayon din naman Ang pagbalikwas ng bayan Harapin nang buong tapang Habang mga armas ay tangan


메타데이터
post_id
8fcf1d950767
slug
sa-paglaya-ng-isang-bakla-8fcf1d950767
url
https://medium.com/malaya-koleksyon-ng-mga-akda-para-sa-bayan/sa-paglaya-ng-isang-bakla-8fcf1d950767
canonical_url
https://medium.com/malaya-koleksyon-ng-mga-akda-para-sa-bayan/sa-paglaya-ng-isang-bakla-8fcf1d950767
author_url
https://medium.com/@bumalikwas
status
ok
fetched_at
2026-06-16 19:09:56