← Back to list

Kasaysayan sa Hiwaga ng Imahinasyon

Tatlong dahilang estetika kung bakit makasaysayan ang pagbasa ng Harry Potter

Paulo J · 2017-02-14 15:34 · 0 claps · 8.7 min read
#harry-potter #kasaysayan #imahinasyon #panitikan #filipino
Open on Medium ↗

Kasaysayan sa Hiwaga ng Imahinasyon

Tatlong dahilang estetika kung bakit makasaysayan ang pagbasa ng Harry Potter

2007 — Naalala ko noong dumating yung huling libro. Naaalala ko ang balikbayan box na dumating noong araw na iyon galing sa aking ninang. Sa taas ng mga damit at tsokolate ang libro nakapatong ang Harry Potter and the Deathly Hallows. Agad-agad ko itong kinuha at sinimulang basahin sa kwarto.

Ang aking koleksyong Harry Potter (hindi hardbound ang ikaapat at ikalawang libro ko kaya’t nasa ibang lugar sila)

Ang aking koleksyong Harry Potter (hindi hardbound ang ikaapat at ikalawang libro ko kaya’t nasa ibang lugar sila)

Kasabay ng aking paglaki ang paglaki rin ni Harry Potter, mula sa unang pag-apak niya sa Hogwarts hanggang sa huling labanan nila ni Voldemort. Nagsimula ang aking pagbabasa ng Harry Potter ilang taon bago ko nakuha ang Deathly Hallows. Hindi ko na maalala kung bakit pero hiniram ko yung Sorcerer’s Stone sa aking tita (iba roon sa ninang na nagbigay ng Deathly Hallows) noong kasama pa namin siyang nakatira sa bahay. Nakatago na ngayon sa bahay yung koleksyon ko ng Harry Potter, at kulang na lang hanggang ngayon yung Sorcerer’s Stone, dahil hiniram ko lang ito. Ilang bakasyon ko ring inatupag ang paulit-ulit na pagbasa ng serye. Noong nakapasok na ako sa Pisay tsaka ako tumigil, dahil siguro sa sawa o di kaya sa pagkaroon ng iba pang hilig. Gayunpaman, hindi ko maitatanggi ang bahaging ginampanan ng Harry Potter sa aking paglaki, lalo na sa paglawak ng aking imahinasyon.

Habang binabasa ko yung Deathly Hallows pinaghahandaan ko na yung sarili ko sa pagpapaalam. Bagaman hindi pa tapos palabasin ang mga pelikula — sa Order of the Phoenix pa lang noong lumabas ang ikapitong libro — tanggap ko na na may katapusan ang kwentong ito. Tila isa iyong pinto sa aking kabataan na tuluyan nang nagsara.

Pati nga si J.K. Rowling hindi maka-let go kaya nagsulat ng “Nineteen Years Later” na kabanata. Isang kuha mula sa eksenang ng kabantang iyon sa pelikulang bersyon. Mula sa http://time.com/3974157/jk-rowling-harry-potter-lessons/

Pati nga si J.K. Rowling hindi maka-let go kaya nagsulat ng “Nineteen Years Later” na kabanata. Isang kuha mula sa eksenang ng kabantang iyon sa pelikulang bersyon. Mula sa http://time.com/3974157/jk-rowling-harry-potter-lessons/

Sa maraming aspeto isang pagtatapos ang Deathly Hallows. Sa kwentong ito matatapos ang paghanap ni Harry at ng kanyang kaibigan sa mga Horcrux ni Voldemort. Dito rin matatapos ang pagtunggali ng Voldemort at ng Order of the Phoenix. Marami mga buhay ang matatapos dahil sa labanan, at kasama na rin doon si Harry (pero di talaga). Marami ring mga tanong tungkol sa kasaysayan ng mga tauhan at kanilang ugnayan ang sasagutin. Ginamit ni J.K. Rowling ang pagkakataon na ito na buuin ang kwento ni Harry, ng mga nakapaligid sa kanya, at ng mundo kung saan siya umiiral.

Ang huling labanan ni Harry Potter at ni Voldemort, isa sa mga pagtatapos na nangyari sa Deathly Hallows. Mula sa http://imagemoving.blogspot.com/2011/07/goodbye-harry-potter.html

Ang huling labanan ni Harry Potter at ni Voldemort, isa sa mga pagtatapos na nangyari sa Deathly Hallows. Mula sa http://imagemoving.blogspot.com/2011/07/goodbye-harry-potter.html

Sa maraming paraan naging malaki ang impluwensiya ng kwento ni Harry, lalo na ang pagtatapos nito, hindi lamang sa mundong kinalalagyan nito kundi sa mundong nagbabasa sa kwento. Kasama nga ang Deathly Hallows sa Top Ten News Stories ng 2007 ng Time magazine, kasabay ng paglabas ng iPhone at ng pagbasak ng ekonomiya ng US.

Sa mundong ito isinilang ang huling kabanata sa isang seryeng humubog sa henerasyon ng mga mambabasa, kung saan kabilang ako. May mga pag-aaral nga na nagpapakita na mas bukas na pananaw ng mga tumangkilik at naging tagahanga ng serye sa mga isyung politikal. Masasabing naging bahagi na ng kasaysayan ang serye ng Harry Potter dahil naging daan ito upang maging makasaysayan ang mga mambabasa nito sa iba’t ibang paraan. Hindi lang ang kwento ang gumanap sa pagbibigay-daan na ito, kundi ang mismong estetika ng libro, mula sa pormang nobela hanggang sa wikang ginamit. Narito ang tatlong katangiang estetika ng Deathly Hallows na nakapagambag sa paging bahagi nito ng kasaysayan:

Ang haba at hati ng nobelang bahagi ng serye

Sa pamamagitan ng pormang nobela, nabuhay ang kwento ng Deathly Hallows bilang isang nobela na may kabanata at isang kabanata sa kwento ni Harry Potter. Bilang isang nobela naging daan ang haba ng nobela upang paglaanan ng oras ni Rowling ang mahahalagang detalye sa mundong kinagagalawan ni Harry. Naging daan din ang ikli ng nobela upang bigyan ng espasyo ang imahinasyon ng mambabasa na gumalaw sa mundong iyon. Sa Deathly Hallows naging mahalaga ang personal na kasaysayan ni Harry, lalo na sa kabanata na Godric’s Hollow. Sa mga desisyon ni Rowling sa detalyeng ilalahad at sa ritmo ng paglalahad nito, nagiging bahagi ang mambabasa sa kasaysayan ni Harry.

Sa Deathly Hallows nabunyag ang ugnayan ng kasaysayan nina Harry at ni Dumbledore. Mula sa https://www.tumblr.com/search/hp:%20godric's%20hollow

Sa Deathly Hallows nabunyag ang ugnayan ng kasaysayan nina Harry at ni Dumbledore. Mula sa https://www.tumblr.com/search/hp:%20godric's%20hollow

Ngunit hindi lang nag-iisang nobela ang Deathly Hallows. Bahagi rin ito ng isang serye. Naging epektibo ang haba nito upang magpatakbo sa kwento hindi lang sa mundong nalikha, kundi rin sa mundong kinagagalawan ng mambabasa. Nagkakaroon tuloy ng kasaysayan ang mismong paglabas ng libro, na kasabay ang ritmo ng ating kasaysayan.

Isa lamang si Rowling sa maraming mga manunulat na gumamit ng pormang nobela sa isang serye upang magsalaysay ng paglalakbay ng tauhan. Kasama rin niya sina J.R.R. Tolkien, George R.R. Martin, Stephanie Meyers, at si Suzanne Collins. Sa pamamagitan ng nobela inilahad ang mga kasaysayan nina Frodo, Jon Snow, Bella, at Katniss Everdeen. Sa paghahati-hati sa kanilang kasaysayan nagkaroon ng ritmo ang paglalahad nito. Kaya rin hindi pansamantala lamang ang epekto ng mga kwentong ito. Tumatagal at tumatatak sila dahil sa haba at hati ng mga nobela. Nagkakaroon ng mahaba at makahulugang relasyon ang mambabasa at ang kwento (o ang pangunahing tauhan sa kwento).

Mga pangunahing tauhan sa mga serye na nagpalakas sa fantasy genre ng Young Adults. Mula sa https://www.wattpad.com/173630980-memes-and-funny-photos-harry-potter-vs-hunger

Mga pangunahing tauhan sa mga serye na nagpalakas sa fantasy genre ng Young Adults. Mula sa https://www.wattpad.com/173630980-memes-and-funny-photos-harry-potter-vs-hunger

Makikita ang tindi at lalim ng relasyon na ito sa pagtangkilik ng mambabasa hindi lang sa libro kundi sa mga pelikula at amusement park na bahagi ng Harry Potter franchise. Dahil rin sa haba at hati ng serye, naging bahagi ang Harry Potter sa kulturang komersyalismo. Higit sa lahat, napatunayan ng Harry Potter ang pwersa ng nababasang panitikan sa lipunang pinapaligiran ng modernong teknolohiya. Muling nabuhay ang interes sa pagbabasa ng libro sa henerasyong lumaki sa produktong Apple at pagusbong ng social media at Internet. Makikita itong interes sa mahigit 450 milyong kopya nabenta sa mundo, at sa mahigit 60 na wikang isinalin.

Isang sa mga pagkakataon na nagdulot ng pagtaas ng nabentang libro ang paglabas ng pelikula. Pansinin na ang dalawang librong may pinakataas na nabentang kopya ang una at huling libro sa serye. Mula sa http://www.nielsen.com/us/en/insights/news/2010/deathly-hallows-film-breathes-life-into-harry-potter-book-sales.html

Isang sa mga pagkakataon na nagdulot ng pagtaas ng nabentang libro ang paglabas ng pelikula. Pansinin na ang dalawang librong may pinakataas na nabentang kopya ang una at huling libro sa serye. Mula sa http://www.nielsen.com/us/en/insights/news/2010/deathly-hallows-film-breathes-life-into-harry-potter-book-sales.html

Ang paglikha ng Wizarding World ng Harry Potter

Buhat ng pormang nobela na ito, lalo na ang pagseserye nito, ang pagkakaroon ng mga mundo na nakapaloob sa kwento. Kalakip ng pagkakaroon ng mga mundo na ito ang maraming mga estetikong desisyon. Isang halimbawa nito sa Deathly Hallows ang kwento ng pinanggalingan ng tatlong Deathly Hallows. Kinuwento ni Xenophilius Lovegood ang alamat ng magkakapatid na Peverell at kung paano sila biniyayaan ng kamatayan ng Deathly Hallows. Makikita rin sa libro ang guhit ng pinagsamang mga Hallows. Malamang pinag-isipan ni Rowling ang guhit na ito. Nagiging bahagi na ito ng sinasabing “lore” ng Harry Potter — ang mundo ng kwento at detalye na bumubuo sa kultura at kasaysayan na kinalalagyan ng mga tauhan.

Ang simbolo ng Deathly Hallows kasama ang mga magkakapatid na Peverell at ang Kamatayan. Mula sa https://www.pinterest.com/explore/deathly-hallows-tattoo/

Ang simbolo ng Deathly Hallows kasama ang mga magkakapatid na Peverell at ang Kamatayan. Mula sa https://www.pinterest.com/explore/deathly-hallows-tattoo/

Nakilala ang mundo na ito sa pangalang “Wizarding World” at isang kaibahan ng mundong ito sa mga mundo kagaya ng Middle Earth at Panem ang pagsasama ng Wizarding World at ng Muggle World, na kinikilala ng mambabasa bilang mundo natin. Dahil sa maraming magkaparehong aspekto ng Wizarding World sa realidad, kagaya ng mga institusyon ng Gringotts Bank at Ministry of Magic, at lalo na dahil alam ng mambabasa na umiiral pa rin ang mundo natin sa paligid ng Wizarding World, nagiging salamin ang mundo ni Harry Potter sa ating sariling lipunan, sensibilidad, at kasaysayan.

Mga tao kagaya mo at kagaya ko ang karamihan sa tauhan, at kung hindi man sila tao, may mga katangian silang nagiging tulay upang lumapit sila sa damdamin ng mambabasa, kagaya ng pag-alay ng buhay ni Dobby para sa kanyang kaibigan. Kasama sa mundong nilikha ang mga institusyong kagaya ng bangko, gobyerno, at paaralan na nagpapalapit ng Wizarding World sa atin. Hindi rin nalalayo sa mga nakasanayang mga salitang Ingles ang mga salitang ginagamit sa spells, at nanggaling ang karamihan sa Latin. Ipinapakita ng paglikha ng Wizarding World at ang pagtabi nito sa Muggle World ang iba’t ibang aspeto ng ating lipunan natin mula sa konsteksto at perspektibo ng mga wizards. Nasasagot ang mga tanong na, “Paano kaya kung may (ilagay ang aspeto ng ating lipunan) sa Wizarding World?” at “Paano kaya kung may (ilagay ang aspeto ng lipunan ng mga wizard) sa ating mundo?” Dahil sa ganitong mga pagtataka at pagtatanong lumaki ang mga mambabasa na may ibang pananaw sa lipunan — isang pananaw na puno ng posibilidad — gaya ng ipinapakita ng pag-aaral.

Pansinin ang dami ng mga spells na nilikha ni Rowling. Kailangan pa bang i-memorize yan? Mula sa https://www.pinterest.com/explore/harry-potter-spells-list/

Pansinin ang dami ng mga spells na nilikha ni Rowling. Kailangan pa bang i-memorize yan? Mula sa https://www.pinterest.com/explore/harry-potter-spells-list/

Maliban sa pagkakapareho ng Wizarding World at realidad, meron ding nabubuong komunidad ang mga mambabasa at bumubuo sila ng sariling nilang kasaysayan. Naging uso ang paggawa ng fan fiction dahil sa imahinasyon ng mga mambabasa, at sa gayon nagkaroon ng mga mundong nililikha sa labas ng mundong nilikha ni Rowling. Nakita ni Rowling ito at sinimulan ang Pottermore upang makaambag din siya sa nasimulan niya at maging bahagi pa rin ang mga mambabasa ng Harry Potter dito. Sa pamamagitan ng Pottermore at fan fiction, nagkaroon ng daan ang mga mambabasa upang ipahayag ang kailangan pagiging malikhain, at naging katuwang nila si Rowling sa pagambag sa Wizarding World.

Ilang miyembro ng Hogwarts Philippines, isang organisasyon ng mga Pinoy na tagahanga ng Harry Potter. Mula sa https://fatespensieve.wordpress.com/tag/hogwarts-philippines/

Ilang miyembro ng Hogwarts Philippines, isang organisasyon ng mga Pinoy na tagahanga ng Harry Potter. Mula sa https://fatespensieve.wordpress.com/tag/hogwarts-philippines/

Ang pagsasalin sa wika ng mambabasa

Isang katangiang hindi siguro gaanong napapansin ang wikang ginamit sa pagsulat ng libro, kasi natural na nating naiintindihan ang nababasa natin kung sanay tayo sa wikang ginamit. Sa dami nga naman ng bansa kung saan nakarating ang Harry Potter, naisinalin na ito sa iba’t ibang wika. Sa pagsalin ng Harry Potter, maraming pagpipilian ang tagasalin sa paraan ng pagsalin, lalo na ng mga pangalan. Sa mismong pamagat ng unang libro, Sorcerer’s Stone, makikita ang pagsasalin dahil sa orihinal na bersyon sa UK, Philosopher’s Stone ang ginamit na pamagat. Bukod pa roon, mahilig si Rowling sa paglalaro sa tunog at baybay ng mga salita, at madalas nawawala ang estetikang ito sa pagsalin.

Unang isinalin ang Sorcerer’s Stone sa Filipino ni Becky Bravo at inilabas ito noong Setyembre 2013 sa ilalim ng Lampara Publishing House sa Manila International Bookfair. Sa pagsalin ng libro maraming mga detalye ang nanatili ngunit may mga iba na isinalin nang buo sa Filipino, gaya ng “The Boy Who Lived” na naging “ang batang nabuhay” at ang “He-Who-Must-Not-Be-Named” na naging “Alam-Mo-Na-Kung-Sino.”

Saan nag-iiba ang salin na ito? Mula sa http://lifestyle.inquirer.net/127121/harry-potter-now-in-filipino/

Saan nag-iiba ang salin na ito? Mula sa http://lifestyle.inquirer.net/127121/harry-potter-now-in-filipino/

Ipinakita ng pagsalin ng Harry Potter sa iba’t ibang wika ang yaman ng mga kultura sa ating mundo, at ang pagpapahalaga sa iba’t ibang wika na ito pagdating sa panitikan. Malaki ang bahaging ginagampanan ng wika sa paghubog na konsepto ng Wizarding World sa imahinasyon ng mambabasa, kaya’t napakabigat din ng trabaho ng mga nagsalin ng Harry Potter. Masasabing naging matagumpay ang kanilang trabaho dahil sa kasikatan ng mga libro, o di kaya dahil ito sa mga aspetong mas malalim pa sa kultura?

[embed]Tungkol sa iba’t ibang problemang kinakaharap ng isang tagasalin ng Harry Potter. Mula sa https://www.youtube.com/watch?v=UdbOhvjIJxI&t=32s

Siguro nga na may nakapaloob sa Harry Potter na mas malalim pa sa kultura at sa pagkakaiba nating mga tao kaya’t napalapit tayong lahat bilang mambabasa, at isa na ako roon sa milyon-milyong tumangkilik sa seryeng ito. Naging bahagi ako ng kasaysayan ni Harry at ng Wizarding World. Naging bahagi ako ng isang malaking komunidad ng mga taong nakaranas ng hiwaga ng pagbabasa ng Harry Potter. Naging bahagi ako ng isang henerasyon na lumaki sa Harry Potter, sa mga prinsipyo at pananaw na inilahad nito sa amin. Higit sa lahat, naging mulat ako sa aking sariling imahinasyon, na lumawak kahit papaano dahil sa mga librong ito, at doon sa imahinasyon ko nabubuwag ang kasaysayan. Nangyari ang lahat ng pagiging makasaysayan na ito sa aking imahinasyon, at hindi ibig sabihin noon na mas maliit ang saysay o halaga nito kumpara sa nangyayari sa realidad. Sabi nga ni Dumbledore sa Deathly Hallows, “Just because something happens in your head doesn’t make it any less real.”

Mga karagdagang babasahin at pinagkuhanan ng impormasyon

Harry Potter the boy who will live forever. http://www.gmanetwork.com/news/story/226816/lifestyle/harry-potter-the-boy-who-will-live-forever

Why the Harry Potter books are so influential all around the world. https://www.washingtonpost.com/news/act-four/wp/2014/10/16/why-the-harry-potter-books-are-so-influential-all-around-the-world/?utm_term=.bf93698ca92a

Deathly Hallows film breathes life into Harry Potter book sales. http://www.nielsen.com/us/en/insights/news/2010/deathly-hallows-film-breathes-life-into-harry-potter-book-sales.html

The real linguistic inspirations behind 13 ‘Harry Potter’ spells. http://www.businessinsider.com/harry-potter-spells-latin-origin-2016-1

Harry Potter and the Millennials: Research Methods and the Politics of the Muggle Generation. https://jhupbooks.press.jhu.edu/content/harry-potter-and-millennials

How Harry Potter Changed the World. http://lifestyle.inquirer.net/5583/how-harry-potter-changed-the-world/

Top Ten News Stories (2007). http://content.time.com/time/specials/2007/article/0,28804,1686204_1690170,00.html

Harry Potter now in Filipino. http://lifestyle.inquirer.net/127121/harry-potter-now-in-filipino/


메타데이터
post_id
8fe9518fa7fc
slug
kasaysayan-sa-hiwaga-ng-imahinasyon-8fe9518fa7fc
url
https://medium.com/@paujoquino/kasaysayan-sa-hiwaga-ng-imahinasyon-8fe9518fa7fc
canonical_url
https://medium.com/@paujoquino/kasaysayan-sa-hiwaga-ng-imahinasyon-8fe9518fa7fc
author_url
https://medium.com/@paujoquino
status
ok
fetched_at
2026-07-11 11:50:14