← Back to list

Ukol sa Pahayag ng CBCP na Hindi Maaaring Manahimik Ang Simbahan sa mga Kontrobersya ng Bayan

Mainit na usapin kamakailan lang ang paksa ng hindi matuloy-tuloy na impeachment trial ng Pangalawang Pangulo na si Sara Duterte. Nito…

rae · 2025-08-07 10:29 · 0 claps · 6.9 min read
#politiko #pilipinas #sara-duterte-impeachment #cbcp
Open on Medium ↗
Wiki topics: ⚖️ · Law & Justice

Ukol sa Pahayag ng CBCP na Hindi Maaaring Manahimik Ang Simbahan sa mga Kontrobersya ng Bayan

Mainit na usapin kamakailan lang ang paksa ng hindi matuloy-tuloy na impeachment trial ng Pangalawang Pangulo na si Sara Duterte. Nito lamang hapon ay lumabas ang balitang 19 sa 24 na mga Senador ang bumoto upang i-archive ang impeachment trial ng ikalawang pinakamataas na pinuno sa bansa. Buhat nito ay nagalit ang maraming netizen, lalo na ang mga ang katotohanan sa mga ipinaparatang sa kanya na paglustay sa kaban ng bayan sa pamamagitan ng paggastos niya ng confidential funds sa dating ahensya niya sa DepEd at lalo na sa pagbabanta niya sa buhay ng Presidente, ng Unang Ginang at ng Speaker of the House.

Sa liwanag ng usapin, noong mga nakaraang araw ay naglabas ng pahayag si Padre Jerome Secillano, ang executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines. Aniya, ang tanging magagawa na lang ng Simbahan ay hingiin ang gabay ng Espiritu Santo upang maliwanagan ang isip ng mga nakaluklok sa pwesto, nang sa gayon ay makabubuti sa bansa kung anuman ang magiging desisyon nila. Binatikos din ng pari ang mga mambabatas na ginagamit ang kanilang mga lehislasyon para lamang sa kanilang sariling interes. Giit niya pa, ang mga ganoong tao — mga ganid, sakim, at makasarili — ay walang puwang sa propesyong legal.

Bukod sa kanilang mga pagpupulong para sa mga kaganapan sa Simbahang Katoliko sa Pilipinas, kilala rin ang CBCP sa kanilang pagboboses sa tuwing sinusubukang isulong ng mga mambabatas ang isang lehislasyon na labag sa doktrinang Katoliko. Sinusulatan din nila ng kontra-argumento ang mga naisabatas na House Bill na hindi maganda ang naidudulot sa mga moral ng bayan. Ang tanong ngayon: tama ba ang ipinahayag ng CBCP na hindi maaaring manahimik ang Simbahan sa mga kontrobersya ng bayan?

“Pari (o madre) iyon, ah. Bakit siya nakikisali sa usaping politiko?”

Marapat ding alamin ng kahit sino na hindi saklaw ng Simbahan ang usaping teknikal sa batas, subalit hindi ito nangangagahulugang dapat manahimik ang Simbahan at ang kanyang mga mananamplataya sa mga kontrobersyang politikal na may epekto sa sambayanan. Bilang mga mamamayan ng isang demokratikong bansa, karapatan ninuman ang makilahok sa mga usapin hinggil sa mga nangyayari sa lipunan. Kasama rin dito ang mga pari at madre — hindi lang bilang isang mamamayang Pilipino, kundi na rin bilang bahagi ng kanilang mga tungkulin bilang Katoliko. Kung patatahimikin at aalisin ang kanilang boses sa lipunan, ano pa ba ang silbi ng malayang pagpapahayag sa isang bansang demokratiko?

Nakasaad sa talata 1915 ng Catechism of the Catholic Church: “As far as possible citizens should take an active part in public life. The manner of this participation may vary from one country or culture to another. ‘As with the manner, the means, the limits and the objects of this participation, they differ according to the political context and the degree of development of civil society.’” Nangangahulugan itong dapat makilahok hanggang maaari ang bawat mamamayan sa buhay publiko. Kaya naroon ang salitang as far as possible o kung isasalin sa Tagalog ay hanggang maaari, dahil hindi lahat ng tao ay may kakayahang sumama buhat ng ilang limitasyon, gaya ng suliraning pinansyal, edad, o kapansanan. Sa madaling salita, hindi ito sapilitan — bagkus, ito ay pananawagan sa lahat na makilahok sa abot ng kanilang makakaya.

Dahil ang CCC ay nagsisilbing gabay ng bawat Katoliko saan mang sulok ng mundo, nirerespeto nito na walang dalawang bansa ang may perpektong pagkakatulad sa pamahalaan. Gayunpaman, dalawang salik sa likod nito ang sistemang politikal at ang paggulang ng lipunang sibil nito. Maraming patunay ang gawaing pansibiko, gaya ng pagboto, panawagan, pakikipag-usap, at ang serbisyong publiko.

Sabi sa talata 2246 ng Catechism of the Catholic Church: “It is a part of the Church’s mission to pass moral judgments even in matters related to politics, whenever the fundamental rights of man or the salvation of souls requires it. The means, the only means, she may use are those which are in accord with the Gospel and the welfare of all men according to the diversity of times and circumstances.” Nilalahad dito na bukod sa ebanghelisasyon at paggabay sa sangkatauhan tungo sa kaligtasan, layunin din ng Simbahan ang manawagan sa tuwing may nangyayaring kagipitan sa komunidad. Saklaw rin nito ang pagtaguyod ng dangal ng bawat tao at ang mga katotohanang moral sa bawat aspeto ng buhay, lalo na sa mga paksang politikal.

Nasa kamay niya rin ang paghuhusga kung ang isang House Bill ay sumusunod sa mga doktrinang Katoliko. Dapat din sila manawagan kung nadadamay ng politiko ang mga usapin sa karapatang pantao, hustisya, dangal ng bawat buhay, at ang kabutihang panlahat — maging ang mga hindi Katoliko. Hindi ito nangangahulugang pagiging partisano; sa madaling salita, ito ay masanling na pagsasaksi.

Ang Papel ng Simbahan sa Kawalan ng Katarungan sa Bayan

Ika ng Salvadoreñong obispo at martir na si San Oscar Romero, “When the Church hears the cry of the oppressed, it cannot but denounce the social structures that give rise to and perpetuate the misery from which the cry arises.” Nangangahulugan itong nakikiramay at nahahabag ang Simbahan sa mga taong naghihirap. Hindi lang pisikal na pagdurusa ang saklaw nito, maging ang mga pagdurusang panlipunan kagaya ng kawalan ng hustisya at diskriminasyon. May dahilan din kung bakit ito sinabi ni Romero, dahil lumaki siya sa El Salvador, kung saan laganap ang mga krimen gaya ng adiksyon sa droga, homicide, at femicide.

Bagamang hindi politikal ang pangunahing layunin ng Simbahan, tungkulin nitong gampanan ang prophetic role, o ang pagsasalita at paninindigan laban sa mga katiwaliang nangyayari sa lipunan. Iniimplika rin sa kasabihang ito na hindi dapat manahimik ang Simbahan kapag may nangyaring hindi kaaya-aya sa lipunan, dahil kung hindi, mangangahulugan itong kataksilan sa kanyang misyon. Ayon sa Katuruang Panlipunan ng Simbahan, ang dignidad ng tao ang saligan ng lahat ng panlipunang kautusan. Kapag ang dignidad na ito ay niyuyurakan ng mapaniil na pamahalaan o sistemang mapang-api, tungkulin ng Simbahan na manindigan para sa mga naaapi — lalo na ang mga dukha, tahimik, at walang kakayahang ipagtanggol ang sarili. Ito ang tinatawag na preferential option for the poor, kung saan binibigyan ng espesyal na konsiderasyon ang mga nasa laylayan ng lipunan. Hindi lang ito tungkol sa habag sa mga naghihirap na tao, bagkus ito ay ang masusing pagkilala, pag-unawa at paghamon sa pangunahing sanhi kung bakit nananatili ang tao sa status quo. Sapagkat kung hindi sasamahan ng hustisya ang awa, ito ay nagiging hamak na kahabagan lang.

Matatandaang karamihan sa mga nanawagan para bumaba ang dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ay mga pari at madre. Aktibo rin ang namayapang dating Arzobispo ng Maynila na si Jaime Cardinal Sin noong unang rebolusyong EDSA, kung saan iniutos niya na dapat magtungo ang mga tao sa Camp Aguinaldo. Kasama ang ilang mga kolehiyala mula sa iba’t ibang pamantasan sa Maynila at ang mga mamamayan na mariing tumututol sa kawalan ng hustisya at karapatang pantao noong panahong Marcos din ang apelyido ng nakaluklok sa Malacañang, nagkaisa sila nang mapayapa upang matagumpay na paalisin si Marcos Sr. mula sa kanyang pwesto.

Sa kasalukuyan, ilang beses nang kinondena ng CBCP ang iba’t ibang usaping pulitikal na laban sa mga turo ng mga Simbahan. Ang pagpapalaglag, ang EJK, at ang mga artikulo sa RH Bill na tungkol sa paggamit ng contraceptives ay mga aktong sumisira sa dangal ng tao — ang pagkait sa karapatang mabuhay at mamatay sa natural na paraan. Ang pagpapalaglag ay ang boluntaryong pagkitil ng buhay ng isang walang kamalay-malay na sanggol sa loob ng sinapupunan ng kanyang ina, at ang sinumang Katoliko ang magpalaglag, magbenta ng gamot na pampalaglag, o udyukin ang kanyang anak, asawa, o kasintahan na magpalaglag ay hindi lang makukulong sa ilalim ng ilang artikulo ng Revised Penal Code of the Philippines, mananagot din sila sa batas ng Panginoon — sila ay matitiwalag (latae sententiae).

Hindi rin makatarungan ang pagkitil ng ilang mga inosenteng buhay noong pamumuno ng dating pangulong si Rodrigo Duterte sa ilalim ng kanyang giyera kontra droga. Ngunit hindi pa rin tiyak kung sino sa mga pinapatay niya ang talagang gumagamit ng droga sa hindi. Subalit isang bagay lamang ang malinaw: hindi ito dumaan sa tamang pagproseso sa ilalim ng batas — hindi ito sumunod sa nakalahad sa Artikulo III, Seksyon 1 ng Saligang Batas ng 1987. Wala ring pinagkaiba ang paggamit ng kontraseptibo — sa unlapi pa lang nito na contra — sa pagkait na mabuo ang isang buhay mula sa pagsasama ng sperm cell at egg cell.

Sa kabilang banda, bagamang nauunawaan ng Simbahan ang hinagpis ng mga nakaranas ng pangangaliwa at abuso sa kamay ng kanilang mga maybahay, mariing tumututol sa legalisasyon ng diborsyo ang Simbahan sapagkat sinisira nito ang imahen ng pamilya. Kung tutuusin, may ilang mga probisyon sa iba’t ibang batas ng Pilipinas, gaya ng R.A. 9262, Family Code of the Philippines, at ang Revised Penal Code of the Philippines upang maprotektahan ang mga inaping babae at ang kanilang mga anak. Gayunpaman, mayroong tinatawag na annulment at legal separation upang mapalaya sila sa kasal na nakakasakal na para sa kanila.

Kaya’t sa panahong ang katotohanan ay kinakalaban at ang katarungan ay tila ipinagkakait, inaasahan ang Simbahan na hindi manahimik. Ang pagiging Kristiyano ay hindi lamang panalangin kundi pagsaksi sa katotohanan — kahit ito ay magdulot ng pag-uusig.

Karapatan ng sinuman — maging ng mga pari at madre — na makilahok sa diskursong politikal, hindi lang bilang mamamayang Pilipino, kundi bilang bahagi na rin ng tungkulin nila bilang mga bona fide na Katoliko. Ang pananawagan sa isang gobyernong niyuyurakan ang dangal ng tao ay hindi lang awa, maging ang pagkilala at pag-unawa sa mga dahilan kung bakit nananatili ang tao sa status quo. Ito ay ginagawa nila sa pagnanais nila na gabayan ang mga tao sa tamang landas at sa huli makamit ang inaasam-asam na kaligtasan. Datapwat hindi ito pagiging partisano; ito ay ang pagiging moral na kumpas ng gobyerno.

Sa makabagong panahon, ang pagkondena ng CBCP sa mga batas na isinusulong ng kamara na naglalaman ng mga probisyon na labag sa mga doktrina ng Simbahan ay ehemplo ng kanyang pagiging tanglaw sa bawat desisyon ng pamahalaan. Kaya, samakatwid, tama ang inilahad ng CBCP na hindi maaaring manahimik ang Simbahan sa mga kontrobersya ng bayan.

Mga Sanggunian:

  1. Pulgo, M. (2025, August 4). Simbahan, hindi maaring manahimik sa mga kontrobersiyang may epekto sa bayan. VeritasPH — The Word. The Truth. https://www.veritasph.net/simbahan-hindi-maaring-manahimik-sa-mga-kontrobersiyang-may-epekto-sa-bayan/

  2. Odchimar, Nereo P., D.D. (January 2011). “Choosing life, rejecting the RH bill”. Catholic Bishops’ Conference of the Philippines. https://cbcponline.net/choosing-life-rejecting-the-rh-billa-pastoral-letter-of-the-catholic-bishops-conference-of-the-philippines/


메타데이터
post_id
acd8bfb181b0
slug
ukol-sa-pahayag-ng-cbcp-na-hindi-maaaring-manahimik-ang-simbahan-sa-mga-kontrobersya-ng-bayan-acd8bfb181b0
url
https://medium.com/@hermanadecastidad/ukol-sa-pahayag-ng-cbcp-na-hindi-maaaring-manahimik-ang-simbahan-sa-mga-kontrobersya-ng-bayan-acd8bfb181b0
canonical_url
https://medium.com/@hermanadecastidad/ukol-sa-pahayag-ng-cbcp-na-hindi-maaaring-manahimik-ang-simbahan-sa-mga-kontrobersya-ng-bayan-acd8bfb181b0
author_url
https://medium.com/@hermanadecastidad
status
ok
fetched_at
2026-08-08 04:49:02