← Back to list

Tara, Sound Trip

Malaki ang papel ng danas ng pagcommute sa buhay ng masang pinoy. Sumasalamin ito ng estado natin bilang isang bansa. Masalimuot, siksikan…

nicky gem rivera · 2024-07-01 16:24 · 15 claps · 6.0 min read
#jeepney-phaseout #jeepney #pinoy-culture #opm-song #songanalysis
Open on Medium ↗
Wiki topics: CUL · Culture & Media 🎵 · Music & Audio

Tara, Sound Trip

Malaki ang papel ng danas ng pagcommute sa buhay ng masang pinoy. Sumasalamin ito ng estado natin bilang isang bansa. Masalimuot, siksikan, pinagpapawisan, nakikipagunahan dahil nais maunang makapunta sa kung saan man patungo.

Isang pistang de gulong, ika nga ni Valerio Nofuente, dahil sa mga disenyong nakakabit at nakapinta sa unahan at katawan ng sasakyan na maaaring maihalintulad sa banderitas na ikinakabit sa kalsada tuwing may pista. Karaniwang pinakamadisenyo ang unahan na karaniwang may pigura ng kabayo, manok o agila ang nasa bungad na napapalibutan ng ilaw. Maluwang ang bintana upang malayang makapasok ang hangin at may nakalagay namang jalousie o plastic na itinatabing tuwing maulan. Sa tagiliran naman ay pinupuno ng paintings na makulay at ang likod nito na siyang pasukan ng mga pasahero ay maaaring sabitan ng kung ano- anong bagahe mula sa palengke o ilalako dito. Ang tungtungan pagpasok ay may mga maiikling kasabihan o mensahe sa kung sino man ang makakabasa tulad ng: “Distansya Amigo,” “Katas ng Saudi,” at marami pang iba. Sa pag-aaral ni Emmanuel Torres, isang kritikong panlipunan, kanyang nakita ang posibilidad na ang jeepney ay isang pagsasakongkreto ng karanasang Filipino. Ito ay bunsod ng paggamit ng “folk art” o sining ng bayan na bunga ng malilikhaing imahinasyon ng mga Filipino na naipapakita sa pinta, titik, ilaw at iba pa na buhay na buhay sa jeep.

Nais kong gamiting impluwensya ng jeepney bilang cultural artifact at ang kaugnayan nito sa pagsasatitik at pagsasatunog ng kamalayang pinoy gamit ang popular na mga awitin. Dahil katulad ng jeep, ang popular na musika ay isang sining na pinapakinabangan ng karamihang Filipino dahil abot-kamay at abot-diwa ng masa ang mensahe nito.

Sa totoo lang, boring din kasi ang pagcocommute kung walang dalang earphones at baon na kanta. Kaya tara, sound trip tayo.

I. Beep, Beep

Beep beep beep beep Dadalhin ko kayo kahit saan Beep beep beep beep Dalian n’yo, hindi pa ako nananghalian!

-Beep, Beep, Juan dela Cruz Band

1973 nang mairelease ang kantang “Beep Beep” mula sa album na Himig Natin ng Juan dela Cruz band na isa sa nagpaingay ng Pinoy rock scene sa Filipinas. Tungkol ito sa buhay ng mga tsuper na sabi nga sa kanta, “Ang buhay ng tsuper ay di gawang biro” na tila ba pagreperensya sa “magtanim ay di biro.” Isang pagpupugay ito sa mga tsuper na sinusuong ang kahit anong panahon o kahit gutom basta’t makapagdala ng pagkain sa hapagkainan. Sa kabila ng hirap na danas ng isang tsuper ay di alintana ito sa kanta dahil may angas ang himig ng Juan dela Cruz Band. Ayon kay Emmanuel Torres ay mayroong makismong ugnayan ang drayber sa kanyang jeep na makikita sa maraming detalye ng sasakyan tulad ng maiikling mensahe na nakakabit sa buntot ng jeep o ang magarbong palamuti sa paligid nito. Nakita ito bilang “ego boosters, a means of coping with the reality of daily hustle.”

Kamakailan lamang ay sunod sunod ang mga kilos protesta at mga transportation strike sa buong bansa dahil sa panukalang phase-out at modernisasyon ng mga jeep. Ito ay dahil sa polusyong naidudulot ng tambutso at katandaan ng maraming jeep na maaaring maglagay sa panganib sa mga pasahero. Ngunit giit ng mga drayber, paano sila kikita ng pambayad para sa modernization ng jeep kung nahihirapan na sila sa gastusin sa pangaraw-araw?

II. Kahit Konti

Madalas sa pagsakay ng jeep ay di maiiwasang magsiksikan ang mga puwit. Sa pagpupumilit ni manong barker at syempre, kagustuhan ni manong tsuper na makarami sa isang byahe. Kaya nga kapag nakasakay ka sa jeep ay hindi ka pwedeng pasosyal o umastang pag-aari ang buong sasakyan dahil paniguradong pandidilatan ng katabi. Dahil kapag nasa loob ng sasakyang, kayo’y pantay-pantay. Taong 1981 nang manalo sa patimpalak na The 4th Metro Manila Popular Music Festival ng pangalawang premyo ang sinulat ng sikat na kompositor na si Gary Granada at kinanta naman ni Florante.

Maari bang, maari bang umusog-usog ng konti Hatihati dahil masyadong masikip ang upuan At kung iyong kausapin, ako nama'y hindi maselan At payag matabihan, umusog lang, umusog ng konti

-Kahit Konti ni Florante

Sa unang mga saknong ay nakikiusap ang nasasalita tungkol sa espasyo sa upuan ngunit higit dito ay parang pasaring na din sa mga isyu ng hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan. Dahil kapag nasa jeepney ay mahahalata kung sino ang matakaw sa upuan at kung sino ang nadedehado. Ito na rin ay dahil sa magkakaharap ang nakaupo at walang nakatalagang espasyo para su puwit mo. Samakatuwid, ang upuang uukupahin mo ay depende lamang sa abot ng lapad o kitid, hindi lamang ng puwit kundi ng isip. Sa kabilang banda, ang pagsisiksikan o pagkakasya-kasya ay isang ugaling Pinoy. Sa katunayan ay narito ang sipi mula sa sanaysay ni Valerio Nofuente: “Tila elastikong goma ang kapasidad ng dyipni. Repleksiyon wari ito ng kapangyarihan ng Pilipinong umangkop sa sitwasyon. Ang 16 na pasahero ay kasya. Pero puwedeng gawing 18. Kung hindi kakasya, sumabit na lang, aabutin ng mga nakaupo ang kargada at kasya pa rin. Parang bahay ng Pilipino ang dyipni. Dumating ka sa oras ng kainan. paglalabas ka ng maybahay ng ekstrang pinggan at kasya pa rin ang kanin at ulam […] Huwag ubusin ang panahon sa kaiisip kung paano natutulog ang pamilyang may sandosenang anak sa boob ng barung-barong. Mahusay mamaluktot ang Pilipino habang umiikli ang kumot.”

Parehas na isang positibo at negatibong katangian sapagkat maaaring sabihin na madaling makaangkop ang pinoy sa kahirapan ngunit gayunman ay nagbubunga rin ng pagmamalabis sa mga nakakalamang.

III. Banal na Aso, Santong Kabayo

Mahalaga ring tunghayan ang pananaw ng mga pasahero sa kapwa nila pasahero tuwing lulan ng jeep. Sapagkat tabi-tabi at pinagkakasya ang mga pasahero ay walang ibang matatanaw kung hindi ang kaharap mo, maliban na lamang kung pipilitin mong ikutin ang iyong leeg para makatanaw sa bintana. Madalas, ang napagbabalingan ng atensyon ay ang kasama mong mga tao sa sasakyan. Ang Yano ay isang Pinoy folk o punk rock band na ang pangalan ay nangangahulugang simple. Madalas sa mga kanta nila ay tumatalakay sa problema sa lipunan katulad nito:

Kaharap ko sa dyip ang isang ale Nagrorosaryo mata niya'y nakapikit Pumara sa may kumbento Sa babaan lang po sabi ng tsuper kase me nanghuhuli Mura pa rin nang mura ang ale

-Banal na Aso, Santong Kabayo ng Yano

Taong 1994 nang marelease ang kantang ito sa kanilang self-titled album. Tampok dito ang isang persona o pasahero na napansin ang isang aleng taimtim na nagrorosaryo ngunit dahil sa hindi binaba sa gustong babaan ay napamura sa drayber. Ngunit mas tumatak ang korus ng kantang ito at masasabi kong kinakanta pa rin hanggang ngayon:

Banal na aso, santong kabayo Natatawa ako hihihihi Banal na aso, santong kabayo Natatawa ako hihihihi

Isang sulyap sa pananampalataya ng isang ale na ayon sa kanta ay nagrorosaryo nga ngunit nagmumura, isang “banal na aso” at “santong kabayo”, ika nga ng kanta. Ngunit gaano nga ba kalalim ang pinaghuhugutan ng awiting ito? Kilala ang mga pinoy sa pagiging relihiyoso na nag-uugat pa sa panahon ng Kastila.

Ngunit minsan ay mas nagpopokus tayo sa panlabas na praktika ng Katolisismo at hindi ang pagsasabuhay ng mga aral mula dito. Ginamit ang metapora ng “banal na aso” at “santong kabayo” upang ipakita ang namumutawing hipokrismo sa ating lipunan.

IV. Limang Dipang Taon

Pauwi man o paalis pa lang sa bahay ay may mga pasahero talagang naghahabol ng jeep kaya nga nauso ang pagpila upang hindi maungusan sa pwesto sa upuan. Katulad na lamang ng awitin ni Ryan Cayabyab na “Limang Dipang Tao.” Tungkol ito sa perspektiba ng isang persona na napansin ang mga taong nag-uunahan para makasakay habang lulan naman siya ng isang jeep.

Para, Mama, Dito na lang, Bababa na ako Para, Mama Dito na lang, Heto ang bayad ko Para na sabi, Para na sabi, Para Mama Para na diyan sa tabi!

Sa kanyang pagtanaw mula sa bintana ay bigla nyang nakita ang kanyang asawa kaya’t dali-dali niyang pinara ang dyip upang masundan ang akala niya’y nagtataksil na asawa. Huli na nang malaman ng nagsasalaysay na kamukha lamang pala ito ng kanyang katipan. Dahil sa maling akala ay muli siyang pumila at nag-abang, nanghihinayang sa jeepney na kanyang binabaan.

Tila isang templo ang jeepney ng mga karanasan ng bawat tao, kanya kanyang kwento ng mga abalang pasahero. Mga kwentong nagpapatuloy lamang sa tuwing sinisigaw ang “Para!” sa jeep dahil babalik at ipagpapatuloy ang kani-kanilang buhay.

V. Para!

Siguro nga ay nasanay na ang dyipni sa kung ano-anong mga suliranin at kwento. Kasabay ng lipunan ay mapapansin ring ito ay nakikibagay sa panahon na tila buhay itong nagagawang magbuklod at naibubuklod ng lipunang Filipino. Sa konklusyon ni Torres, kanyang nasabi na “The jeepney, moreover, is a reflection of the changing mores, lifestyles and moods of the times.” Sa kabila ng trapik, alikabok, baha at iba pa, nakakayanan nitong makatakbong muli sa kalsada.

Nalathala ang akdang ito sa Novice, sa kanilang ika-12 Special na isyu.

Sanggunian: Nofuente. Valerio. “Alisin ‘Ka Mo ang Dyipni?” Sagisag (May-June. 1978). 5–10. Reyes, Soledad S. Jeepney by Emmanuel Torres: Review. Philippine Studies vol. 32, no. 2(1984): 237–239. Web. 12 December 2017


메타데이터
post_id
c8992bc40bee
slug
tara-sound-trip-c8992bc40bee
url
https://medium.com/@nickygemrivera/tara-sound-trip-c8992bc40bee
canonical_url
https://medium.com/@nickygemrivera/tara-sound-trip-c8992bc40bee
author_url
https://medium.com/@nickygemrivera
status
ok
fetched_at
2026-08-28 19:53:59