← Back to list

Mirasol at ang Tala

Isang tula ng pangungulila;

J.E. Pàting · 2026-06-11 04:26 · 1 claps · 3.9 min read
#tula #poetry #liham
Open on Medium ↗
Wiki topics: LIT · Literature & Writing ✍️ · Writing & Creative

Mirasol at ang Tala

Isang tula ng pangungulila;

Kung maabot lamang kita, hahawakan ko ang iyong mga kamay sa gitna ng karimlan at kadiliman ng gabi, at kusang ilulubog ang aking sarili sa walang hanggang karagatan ng iyong mga mata. Subalit isa lamang akong bulaklak na pirming nakatingala sa alapaap, hinahangaan mula sa malayo ang liwanag ng iyong kagandahan. At marahil iyon ang aking kapalaran — ang masilayan ka, ngunit hindi marating; ang mahalin ka, ngunit hindi maangkin.

Bago ka dumating, matagal nang hungkag ang aking dibdib. Maraming taong lumipas na tila walang saysay, at bawat umaga ay isa lamang anino ng nakaraang araw. Naglakad ako sa mga landas na walang patutunguhan, naghanap ng kahulugan sa mga bagay na hindi naman kayang punan ang katahimikang namamahay sa aking kaluluwa. May mga sugat na natutong magkunwaring magaling, at may mga luhang natuyong hindi kailanman napansin ng iba. Unti-unti kong tinanggap na marahil ganito na lamang ang buhay — isang mahabang paglalakbay sa gitna ng kawalan.

Ngunit dumating ka. Hindi bilang isang kidlat na pumunit sa kalangitan, hindi rin tila araw na biglang sumikat matapos ang sigwa. Dumating ka nang marahan, gaya ng unang sinag ng umaga na pumapasok sa siwang ng isang lumang bintana. Hindi mo man lang namalayan na sa simpleng pagdating mo ay may isang kaluluwang muling natutong huminga. Hindi mo man lang namalayan na sa bawat ngiti mo ay may bahagi ng aking pagkatao na unti-unting nabubuhay mula sa pagkakalibing sa kadiliman.

Sa iyo, muling namulat ang aking mga mata sa kagandahan ng mundo. Ang mga bituin ay muling nagkaroon ng liwanag. Ang hangin ay muling nagkaroon ng himig. Ang dating walang-saysay sa aking paningin ay biglang nagka-buhay; sapagkat sa ilalim ng iisang kalangitan, batid kong ang hanging dumadampi sa akin ay baka yumayakap muna sa iyo. Naging panalangin ka ng isang pusong matagal nang nawalan ng pananampalataya sa sarili nitong mga pangarap.

Ngunit habang palapit nang palapit ang aking pagtingin, lalo ko nauunawaan ang layo ng ating pagitan. Para kang tala sa gitna ng walang hanggang kalawakan — napakalinaw, ngunit hindi maaabot ng aking mga kamay. Mangyari man na pagmasdan ka sa bawat gabi ng aking buhay, ngunit hindi nito mababago ang katotohanang ang mga tala ay hindi bumababa upang yakapin ang mga bulaklak na nasa lupa.

Kay raming gabi ang nagdaan na ang iyong ngalan lamang ang aking naging kaniig. Sa pagdilim ng dapithapon at pagliwanag ng bukang-liwayway, habang ang mundo’y himbing sa paglipas ng gabi, nananatiling gising ang aking puso — inuusal ang iyong ngalan na tila isang panalanging inihagis na lamang sa dulo ng isang bangin, walang katiyakan kung diringgin. Sa bawat paghimig ko nito, lalong nagpapakita ang hapdi ng isang pag-ibig na walang masisilungan. Sapagkat may mga pagsintang yumayabong sa gitna ng kawalan, at may mga pag-ibig na lalong tumitibay sa bawat pagtanggap na ito’y itinakda lamang sa panaginip.

Tinatanong ko ang tadhana kung bakit pa ba tayo pinagtagpo. Bakit nito ipinasilip ang isang maningning na liwanag kung ang kapalit naman ay ang muling pagbulag sa kadiliman? Ngunit batingaw na walang tunog ang kalangitan. Ang tanging isinusuka nito ay ang mapait na rehas ng katahimikan at ang mga bituing mistulang mga matang nakatitig lamang sa aking unti-unting pagkamartir. Ang tanging ibinabalik nito ay ang malamig na katahimikan ng gabi at ang simoy ng hangin na wari’y nakikisama na lamang sa aking pagdurusa.

Marahil, hindi ka naman talaga katangi-tangi sa mata ng sansinukob. Marahil, tulad ng lahat, ikaw ay isa lamang taong may mga lamat, may mga takot, at may mga sugat na pasan. Ngunit sa aking mga mata, ikaw ay naitangi. Sa pagitan ng laksa-laksang mukha sa daigdig, ang iyong anino ang pinili ng aking pusong bihisan ng kahulugan. Ikaw ang naging bansag sa aking pag-asa. Ikaw ang naging kabuuan ng lahat ng kabutihang nais ko pang paniwalaan sa mundong ito

Kung hihingin mo sa akin ang pinakamahalagang alay na kaya kong isuko, hindi ko ihahandog ang aking mga sandali, ni ang mga alaalang pilit kong ikinukulong sa aking gunita. Ibibigay ko sa iyo ang aking mga mata — upang kahit minsan man lamang ay mamasdan mo ang iyong sarili sa kung paano kita nakikita, at sa gayon ay makita mo kung gaano kita kamahal. Nais kong masilayan mo ang ningning na pilit mong ikinukubli, ang kagandahang hindi mayayanig ng anumang lindol, at ang iyong hiyas na hindi kayang ukitin ng kahit pinakamalalim na kuweba.

Ngunit batid kong hindi lahat ng pagsinta ay isinilang upang maging ari-arian. May mga pag-ibig na ang tanging hantungan ay ang walang-katapusang pananabik at pangungulila. May mga pusong itinalagang magmahal lamang mula sa malayo. May mga pangarap na bagaman hindi nagkakaroon ng katuparan, ay nananatiling marilag dahil sa katotohanang ito ay hindi maaari. At marahil, ang pag-ibig ko sa iyo ay kabilang sa mga dakilang bagay na iyon.

Kaya’t kung humantong man ang araw na tuluyan kang maglaho sa aking paningin, mananatili akong nakatingala. Hindi dahil umaasa akong muli kitang maaabot, kundi dahil ikaw ay naging bahagi na ng aking kalangitan. At gaya ng mirasol na patuloy na sumasamba sa liwanag ng araw kahit pa hindi kailanman mayayakap ang nag-iinit na alab nito, mananatili akong humahanga sa iyo mula sa aking mapayapang kalayuan.

Sapagkat ikaw ang liwanag na dumating sa isang hungkag na kaluluwa. Ikaw ang dahilan kung bakit muli akong natutong mangarap. At sa paglubog ng araw, mananatili pa rin akong isang bulaklak na pirming nakatingala sa alapaap—sapagkat ako’y isang mirasol at ikaw ang tala.


메타데이터
post_id
d3604959cbc5
slug
mirasol-at-ang-tala-d3604959cbc5
url
https://medium.com/@ioannes.ernestum/mirasol-at-ang-tala-d3604959cbc5
canonical_url
https://medium.com/@ioannes.ernestum/mirasol-at-ang-tala-d3604959cbc5
author_url
https://medium.com/@ioannes.ernestum
status
ok
fetched_at
2026-06-21 19:25:17