← Back to list

Hindi naman sa naghihintay ako ha, pero parang ang tagal mo namang dumating?

Ay baka na-traffic ka lang?

just.clouded · 2026-06-29 01:49 · 13 claps · 2.1 min read
#tagalog-poetry #prose #filipino-poetry #love #independent-women
Open on Medium ↗
Wiki topics: 💑 · Relationships ✍️ · Writing & Creative

Hindi naman sa naghihintay ako ha, pero parang ang tagal mo namang dumating?

Ay baka na-traffic ka lang?

Pinterest

Pinterest

“Ang tahimik mo sobra.”

Kung may katumbas na pera ang bawat taong nagsabi sa’kin n’yan kahit piso lang, sinisigurado kong sobrang yaman ko na ngayon. Minsan, naririndi ako at gusto ko na silang sigawan na, “Oo nga! Tahimik nga ako, ano bang pakialam n’yo?” Pero hindi, pinapanindigan kong tama ang hula nila sa’kin.

Na puro ako walang imik, at lagi lang nakamasid sa paligid niya.

Kung sabagay, totoo naman.

Pero hindi rin. Ang gulo ko! Madalas, hindi ko kayang makipag-usap sa iba lalo na kapag hindi ko sila masyadong kilala. O di kaya naman, kapag naramdaman kong kaya ko siyang pakinggan kahit ilang oras siyang magsalita, ngunit hindi niya ito matutumbasan. Diyan lang naman lagi naglalaro. Maalin sa hindi ako komportable makipag-usap, o takot lang akong mabasa nila ng lubusan.

Siguro kung mayroong scanner para sa lifestyle ng isang tao, sa’kin ‘yung pinakaboring.

Isa pa, kapag naramdaman kong hindi siya ‘yung taong gustong makinig sa napakahaba kong kwento tungkol sa mga podcast na pinapakinggan ko, sa librong binabasa ko, o sa bagong documentary na napanood ko tungkol sa isang serial killer. Kulang ang ilang oras para sa’kin kapag ganito ang usapan, pero bihira lang ‘yung taong gustong makinig kaya bumabalik nalang ako sa pagiging tahimik.

Kaya nga minsan iniisip ko, mayroon kayang makakaintindi sa’kin? Hindi lang sa mga bagay na nagpapabuhay ng dugo ko, kundi sa mga pagkakataon na nalulunod ako sa sarili kong laban. Ang lalim ko kasing mag-isip, hindi ko nga mailagay kung saan ito nababagay, isa ba itong sumpa o biyaya. Minsan kasi, ito ang lubos na kailangan ng karamihan at ibinibigay ko ito ng walang pag-aalinlangan. Ang kapalit? Hindi ko mapakawalan ang bumabagabag sa kanila, dinadala ko ito na para bang sa’kin mismo ito galing.

Hindi ako naghahangad. Hinahanap lang rin siguro minsan ng aking puso kung ano ang pakiramdam nang mayroong gustong makinig sa tulad ko. Ngunit natatakot rin ako para sa kanya. Paano kung malunod rin siya gaya ko? Paano kung hindi niya maramdaman ang pagkakaiba ng katahimikan ko sa tuwing napapabilang ako sa mga ‘di ko kilala at sa katahimikang maibibigay ko sa kanya sa tuwing nais kong magpahinga sa presensya niya?

Paano kung hindi pala talaga siya darating?

Na-traffic ka lang ba? Pero kung nais mong tapusin ang pagiging “independent woman” era ko na kinamulatan ko pa mula noong marinig ng magulang ko ang unang pag-iyak ko sa ospital, hindi rin ako magrereklamo. Hindi naman sa naghihintay ako ha, pero parang ang tagal mong dumating? Pareho ba tayong naghahanapan? O pareho rin tayong nalulunod sa mga bagay na dapat ay ibinabaon sa limot? Eh ano naman, pwede namang sabay tayong lumangoy, di’ba?

Bigla akong napatingin sa orasan, alas onse na ng gabi. Isang oras itong tumakbo sa isip ko, gabi-gabi nalang akong ganito.

Hay naku, makatulog na nga.

**My Links**


메타데이터
post_id
e8773802f394
slug
hindi-naman-sa-naghihintay-ako-ha-pero-parang-ang-tagal-mo-namang-dumating-e8773802f394
url
https://medium.com/@just.cloudedwrites/hindi-naman-sa-naghihintay-ako-ha-pero-parang-ang-tagal-mo-namang-dumating-e8773802f394
canonical_url
https://medium.com/@just.cloudedwrites/hindi-naman-sa-naghihintay-ako-ha-pero-parang-ang-tagal-mo-namang-dumating-e8773802f394
author_url
https://medium.com/@just.cloudedwrites
status
ok
fetched_at
2026-07-08 02:49:32