Mga Pirasong Bumubuo sa Aking Mosaiko
06/11/26
Mga Pirasong Bumubuo sa Aking Mosaiko
06/11/26

Bata pa lamang ako, isa na akong tagamasid.
Tinitingnan ko kung paano magbasa ang kaibigan ko sa isang sulok ng silid; kung paano tumawa ang pamilya ko hanggang sila’y halos masamid — mga katangiang tahimik kong pinagmamasdan mula sa isang gilid.
Tinitingnan ko kung paano sangkutsahin ang adobo ni Mama. Pinapanood ko si Papa habang abala sa pagkukumpuni ng mga makina. Pinakikinggan ko ang mga paboritong awitin nina Ate at Kuya, hanggang sa naging paborito ko rin habang ako’y tumatanda at lumalaki.
Habang ako’y nagkakaedad, lalo ring lumalaki ang aking mundo.
Nakakakilala ako ng mga taong dumaraan at umaalis sa aking buhay — mga taong nag-iiwan ng mga aral na hindi ko kailanman maitatanggi, at maging ng mga katangiang tila nananatili sa akin.
Natagpuan ko ang sarili kong binabasa ang librong minsang binasa ng aking kaibigan. Isa na rin ako sa mga tumatawa hanggang sa halos mabilaukan. Ako na ngayon ang naghahain ng adobo sa aming hapag-kainan, at nagkaroon na rin ng interes sa mga makinang minsan ko lamang hinangaan.
Ngayon, maging ako man ay nag-iisa o may kasama, pinapatugtog ko ang mga musikang minana ko kina Ate at Kuya — mga sining, kulay, at mga banda na minsan nilang ipinakilala sa akin; mga bagay na naging bahagi na rin ng aking pagkatao at diwa.
Isang araw, napagtanto ko…
…kung paanong paborito ko na rin ang kanilang mga paborito;
…kung paanong ang ilan sa aking mga kilos ay minsan ding naging kanila;
…kung paanong may mga bahagi ng kanilang mundo na dala-dala ko na;
at kung paanong ako’y nabuo mula sa kanilang mga piraso.
Ako ay binubuo ng kanilang mga piraso —
isang mosaikong hinubog ng mga taong minahal ko.
— asterr
메타데이터
- post_id
- f3e41ca5e04d
- slug
- mga-pirasong-bumubuo-sa-aking-mosaiko-f3e41ca5e04d
- url
- https://medium.com/@asterr.writes/mga-pirasong-bumubuo-sa-aking-mosaiko-f3e41ca5e04d
- canonical_url
- https://medium.com/@asterr.writes/mga-pirasong-bumubuo-sa-aking-mosaiko-f3e41ca5e04d
- author_url
- https://medium.com/@asterr.writes
- status
- ok
- fetched_at
- 2026-07-12 00:02:18